Aminado si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na magiging "logistically hard" ang pamamahagi ng bigas kaysa sa pera para sa mga benepisyado ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa Palace press briefing nitong Martes, sinabi ni Gatchalian na patuloy na pinag-aaralan ng DSWD at Department of Agriculture (DA) ang mungkahi na bigas na lang ang ibigay sa 4Ps beneficiaries sa halip na pera.
"We always say it's logistically hard pero patuloy kaming nag-uusap ng Department of Agriculture kung paano ma-implement ito. Kaya logistically hard, kasi kung iisipin ninyo kalat-kalat 'yung ating mga benepisyado... 4.4 million spread across different areas in the country, sometimes in the most geographically isolated and disadvantaged areas, mga bundok, mga isla," paliwanag ni Gatchalian.
Dapat ding ikonsidera ang paglalagyan ng mga ipapamahaging bigas, anang kalihim.
Ayon kay Gatchalian, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, na kasama sa mga dumalo sa sectoral meeting, na dapat magkaroon ng cost analysis o pag-aaral sa gastusin sa mungkahing palitan ng bigas ang perang ibinibigay sa mga benepisyado ng 4Ps.
''Sabi nga ni Secretary Balisacan, we have to do a cost analysis. Baka naman 'yung binibigay natin na tulong eh ma-diminish dahil nga doon sa hirap naman na kunin,'' sabi ng kalihim.
Una rito, sinabi ni DA Undersecretary Roger Navarro na may mungkahi na bigas na lang ang ibigay sa 4Ps beneficiaries sa halip na pera, bagay na ikinukonsidera naman umano ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Makatutulong daw kung bigas na lang ang ipamumudmod sa mga mahihirap para mabawasan ang rice inflation, o pagmahal ng bigas.
"Actually, it was suggested in [a Palace press briefing] that we have the 4Ps, for example, for DSWD. We told the President that if we can convert the 4Ps instead of money, it should be on rice form, supplied by [the National Food Authority]. So we will take them out in the price pressures of the market in terms of buying high-price rice. These are 20% all over the country which are the vulnerable poor under the DSWD that is beneficiary for 4Ps," ani Navarro.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na batid umano ng pangulo na posibleng magkaroon ng problema sa pamamahagi ng bigas.
''I told the President we will continue studying [the proposal], but the President also said baka logistically mahihirapan. So we are not saying no, studies are ongoing, pero taken into account the logistics na kailangan para hindi mahirapan ang ating mga kababayan,'' ayon kay Gatchalian. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News