Batay sa resulta ng survey na isinagawa ng Pulse Asia, 45% ng mga rehistradong botante sa bansa ang tutol sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa naturang non-commissioned survey ay isinagawa noong February 20 hanggang 26, mayroong 26% ng mga tinanong ang sumusuporta sa impeachment.
Habang 23% naman ang hindi makapagdesisyon, at pitong porsiyento ang walang opinyon dahil sa kakulangan ng kaalaman sa naturang usapin.
Ayon kay Pulse Asia Research Director Ana Tabunda, 2,400 registered voters ang harapang tinanong sa survey na mayroong margin of error na ±2.
Tinanong sila na: “Do you agree or disagree with the filing of the impeachment case against Vice President Sara Duterte by the House of Representatives in the Senate?”
Regional breakdown
Sa Mindanao na itinuturing balwarte ni Duterte, 4% lang ang pabor sa impeachment at 88% ang tutol.
Mataas din ang pagtutol sa Visayas na may 46%, at 26% ang sumusuporta.
Sa Metro Manila, mas marami ang pabor sa impeachment na nasa 45% , habang 33% ang tutol.
Sa rest of Luzon, 34% ang sumusuporta sa impeachment, at 24% ang tutol.
Sa socio-economic classes, mas nanaig ang mga tutol sa impeachment:
- Class ABC: 48% opposed, 32% agreed
- Class D: 43% opposed, 26% agreed
- Class E: 56% opposed, 15% agreed
Halos hati naman ang pananaw ng mga tinanong kung magiging patas ba ang Senado kapag dininig na ang impeachment case:
- 35% believed the Senate would not be fair
- 33% were undecided
- 21% believed the Senate would be fair
Nauna nang sinabi ni Senate President Francis Escudero na sa darating na July pa nila masisimulan sa Senado ang pagdinig sa impeachment case laban kay Duterte. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News