Hinoldap at ginahasa ng isang 21-anyos na lalaki ang isang babae na sumakay sa kaniyang motorsiklo sa Cebu City. Ang biktima, inakala na ang motorsiklo ng suspek ang kaniyang ipina-book.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na pauwi na sa Talisay CIty ang biktima mula sa trabaho noong madaling araw ng March 13, nang sumakay siya sa suspek.

Pero sa halip na ihatid sa Talisay, nagdahilan ang suspek na iihi lang nang dalhin ang biktima sa walang tao at matalahib na lugar sa South Road Properties (SRP).  Doon na tinutukan ng screwdriver ng suspek ang biktima.

Subalit hindi pa nakontento ang suspek sa nakuhang cellphone at pera, ginahasa pa niya ang takot na takot na biktima.

Matapos ang krimen, ibinaba ng suspek ang biktima malapit sa bahay nito.

Kaagad na nagsumbong ang biktima sa mga awtoridad at madali namang natunton at nahuli ang suspek.

Napag-alaman na nirentahan lang ng suspek ang gamit nitong motorsiklo.

Aminado ang suspek sa krimen at idinahilan na kailangan niya ng pambayad sa tuition bilang college student kaya siya nangholdap.

Bagaman nagsisisi umano ang suspek sa ginawang krimen, desidido naman ang biktima na sampahan siya ng kaso. -- FRJ, GMA Integrated News