Sinabi ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na naibigay na kay Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang P100,000 cash gift nito sa pagdiriwang ng kaniyang ika-100 taong kaarawan nitong Miyerkules, February 14.
''Yes. As awarded yesterday,'' sabi ni Gatchalian sa GMA News Online nitong Huwebes nang tanungin tungkol sa naturang cash gift na nakatakda sa ilalim ng Centenarians Act of 2016.
Hinihintay naman ng GMA News Online ang komento ng kampo ni Enrile tungkol dito.
Nitong Miyerkules, nagdaos si Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr., ng salo-salo sa Palasyo para kay Enrile na tinawag niyang icon at "pantheon of Philippine history."
Sinabi ni Marcos na mapalad siyang makatrabaho si Enrile, na nagsilbi rin sa ilalim ng administrasyon ng kaniyang ama na si Marcos Sr.
Pinasalamatan naman ni Enrile ang mga magulang ni Marcos na sina Marcos Sr. dating First Lady Imelda Marcos, at sinabing "happiest moment of my life" ang panahon na nagsilbi siya noon sa administasyon ng nakatatandang Marcos, at sa nakababatang Marcos ngayon.
''I would like to thank your father and your mother for what they did to make me what I am today before you,'' sabi ni Enrile.
''The happiest moment of my life was when I served the first presidency of a Marcos President and the second time is now that I'm serving the son of that president, our President Bongbong Marcos,'' dagdag ni Enrile. — FRJ, GMA Integrated News