Tinupok ng apoy ang garahe at bodega ng isang bahay sa Barangay 171, Bagumbong, North Caloocan pasado alas tres ng madaling araw nitong Martes.
Mabilis na lumaki ang apoy dahil sa mga nakaimbak na gamit na construction materials sa bodega.
Nagtulong-tulong pa ang mga residente na apulahin ang apoy pero hindi kinaya.
“Sinubukan namin apulahin ‘yung apoy tapos ‘yun po nagtawag ng bumbero. Kaso hindi po kinakaya ng tubig-tubig lang at fire extinguisher,” ani ng residenteng si Mharc Enriquez.
Ang family driver na si Rene Taguiad, nagtamo ng sugat sa kanang braso.
Nang sumiklab ang apoy, agad daw niyang inilayo ang SUV na nakaparada sa bungad ng garahe.
“Nung tumutulong na ako na pilit ko apulahin 'yung apoy, may tumalsik sa akin na galing sa loob na siguro mga stock kami diyan na iba ibang gamit eh. ‘Yung wall na ‘yan, diyan siya nagsimula. Pero umangat na ‘yung apoy so umakyat na sa kisame sa ceiling. 'Yun ang start. Tapos mabilis na kumalat. Ang bilis ng pangyayari,” ani Taguiad.
Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng apoy at kabuuang halaga ng pinsala.
Umabot sa unang alarma ang sunog bago tuluyang naapula bago mag-alas kwatro ng umaga. —KG, GMA Integrated News