Magnitude 6.8 ang lakas ng lindol na yumanig sa Davao Occidental nitong Biyernes ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Iniulat naman ang ilang pinsala sanhi ng lindol.

Ayon sa PHIVOLC, tectonic ang pinagmulan ng pagyanig na naramdaman kaninang 4:14 p.m. na unang iniulat na may lakas na magnitude 7.2 pero ibinaba kinalaunan sa 6.8.

Naitala ang sentro nito sa 05.37°N, 125.15°E - 030 km S 81° W ng Sarangani (Davao Occidental) na may lalim na 10 km.

Naramandaman ang intensity ng pagyanig sa ilang lugar:

  •     Intensity VIII - Glan, Sarangani; General Santos City, South Cotabato
  •     Intensity V - Matanao, DAVAO DEL SUR; Maasim, Malapatan, Sarangani; Lake Sebu, Tampakan, Polomolok, Banga, South Cotabato
  •     Intensity IV - Kidapawan City, Cotabato; Magsaysay, Davao City, Davao Del Sur; Don Marcelino, Jose Abad Santos, Davao Occidental; Kiamba, Maitum, Sarangani; Norala, Tantangan, South Cotabato; President Quirino, Lebak, Isulan, Esperanza, Columbio, Kalamansig, Sultan Kudarat.  

Nagpapaala ang PHIVOLCS na posible ang mga aftershock.

Wala naman umanong banta ng  tsunami dahil sa lindol.

Sa ulat ni James Plecis sa Super Radyo dzBB, sinabing dama ang malakas na pagsanig sa General Santos City.

"Yung unang pagyanig siguro mahigit one minute siguro at narinig na lang na mayroong mga bumagsak sa loob ng bahay. Naglabasan din 'yung mga tao at narinig din natin 'yung siren ng ambulance," ani Plecis.

Sa Polomolok, South Cotabato, ilang residente umano ang hinimatay dahil sa malakas na lindol.

 

 

Sa ulat naman ni Jaycel Villacorte ng Super Radyo Davao, sinabi nito na isang crane sa ibabaw ng ginagawang condo sa Marinag, Davao City, ang nasira at bumagsak ang ilang tipak ng semento at bahagi nito.

Sa kabutihang palad, wala namang nabagsakan.

Sinusuri pa umano ng mga awtoridad ng lungsod ang pinsala ng lindol.

Ilang bahagi ng South Cotabato ang nawalan ng suplay ng kuryente dahil sa malakas na lindol, sabi pa ni Plecis.

 

 

-- FRJ, GMA Integrated News