Iminungkahi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na itigil muna ang online registration ng SIM cards habang hindi umano naayos at nalilinis ang listahan ng mga nakatala.
Ginawa ng ahensiya ang mungkahi matapos nilang matuklasan na nakalulusot sa rehistro maging ang pekeng address, larawan at pangalan ng cartoon characters.
Ayon kay PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz, nakakumpiska sila ng makina kayang gumawa ng 64 SIM cards sa loob lang ng tatlong minuto.
Nabibili raw ang makina kahit sa online.
“Siguro po for the meantime — suggestion lang po ito sa amin — huwag muna natin gamitin iyong ating SIM registration, iyong mga bago lang na magpapa-rehistro,” sabi ng opisyal sa panayam ng GMA Integrated News’ Unang Balita nitong Biyernes.
Sinabi ni Cruz na dapat suriing mabuti ng mga telecommunication companies (telcos) at awtoridad ang mga nakasaad na impormasyon ng mga nakatala sa mga inirehistrong SIM card para maalis ang mga pekeng impormasyon.
Dapat din umanong usigin ang mga nasa likod ng pagbibigay ng maling impormasyon sa ginawang pagtatala ng SIM card.
“Habang nakatigil iyong pagrerehistro online ay salain na po nila. Kagaya ng sinabi ko physically, manually puwede nilang makita iyong mga dapat tanggalin at imbestigahan na iyong mga iyon,” anang opisyal.
Iminungkahi rin ni Cruz na magkaroon ng department o executive order na nagpapahintulot sa telecommunication firms na cross-check ang mga ID na ginagamit sa pagpaparehistro.
Nitong Huwebes, ipinakita ng PAOCC sa mga mamamahayag kung papaano maipaparehistro ang SIM cards gamit ang pangalan at larawan ng cartoon character, na nilagyan ng pekeng address.
Inihayag ng Smart Communications Inc. na, "The entire cyber scam system must be put into light and not be obsessed or focused on certain parts — instead all stakeholders should work on a holistic solution.”
"SIM cards are largely imported and are used in other IT devices, i.e. bank cards; aside from cellphones. It's not in the production or importation but in the misuse by unscrupulous elements,” dagdag nito.
Nauna namang sinabi ng Globe Telecoms na hindi sila nagbebenta ng pre-registered SIMS. Gayunman, maaari umanong ma-edit ang address matapos magparehistro pero hindi ang pangalan.
Nagsagawa ng imbestigasyon tungkol dito ang Senado dahil sa patuloy na paglipana ng mga text scam message kahit tapos na ang SIM card registration.
Ginawang batas ang SIM card registration para matigil ang paggawa ng krimen, kabilang ang panloloko sa paraan ng text.
Layunin ng ipinasang batas na kaagad na matutukoy ang nasa likod ng krimen o panloloko dahil nakarehistro na dapat ang mga gumaganang sim sa bansa ngayon.
Pero inamin ng awtoridad na hindi madaling matukoy ang nasa likod ng mga panloloko dahil na rin sa pekeng detalye at larawan na nakalagay sa inirehistrong sim. (Basahin: SIM card, nairehistro kahit mukha ng unggoy ang nakalagay sa ID —NBI) —FRJ, GMA Integrated News