Umuwi na mula sa Qatar ang ina ni Jemboy Baltazar, ang 17-anyos na binata na napatay ng mga pulis sa Navotas matapos mapagkamalang suspek sa isang insidente ng pamamaril. Ang ginang, naglabas ng hinanakit laban sa mga pulis.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dakong 10:35 am nang dumating si Rodaliza Baltazar, sa NAIA Terminal 1.
“Senior officials of the DMW are meeting with OFW Rodaliza Baltazar at the VIP Lounge of the NAIA Terminal 1... they are finding out what other forms of assistance the department may extend to her and her family,” ayon sa DMW sa Facebook post.
Sinabi ng DMW na bibigyan si Rodaliza ng P100,000 financial assistance, at sasagutin din ang burol at libing ni Jemboy.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras," inilabas ng ina ang bigat na nararamdaman dahil sa sinapit ng kaniyang anak.
“Hindi ko alam 'yung pera na ipapadala ko sa kaniya para sa birthday niya, para sa kamatayan niya na 'yun,” saad niya.
Sabi pa ni Rodaliza patungkol sa mga pulis na bumaril sa kaniyang anak, “Ano po tingin nila sa anak ko? Ano lang po, pusa o aso na binaril lang nila? Pinabayaan lang nila doon. Di nila man lang tinanong ang pangalan.”
Patuloy niya, “Tanghaling-tapat po 'yung nangyari. Di ba nila nakita 'yung mukha? Di ba nila alam 'yung itsura ng hinuhuli nila. Sana po makonsensya sila sa ginawa nila sa anak ko. Bakit po ganon ang ginawa nila sa anak ko? Di nila binigyan ng pagkakataon.”
Nitong nakaraang Agosto 2, inihahanda ni Jemboy at isang kaibigan ang gagamitin nilang bangka para pumalaot sa Barangay NBBS Kaunlaran nang dumating umano ang mga pulis at nagpaputok ng "warning" shot.
Ayon sa kaibigan ni Jemboy, tumalon sa tubig ang kaniyang kaibigan sa takot at pinaputukan umano ng mga pulis.
Anim na pulis ang sinasabing sangkot sa naturang operasyon na may tinutugis na suspek sa isang insidente ng pamamaril sa lugar. Batay umano sa nakalap na impormasyon ng mga pulis, nasa bangka ang suspek.
Sa affidavit umano ng mga sangkot na pulis, may nagsabing sa tubig lang sila nagpaputok, at may nagsabi ring hindi sila kasama sa nagpaputok ng baril.
Nauna nang iniulat na nagtamo ng tama ng bala sa batok na tumagos sa ilong si Jemboy, na natuklasan na hindi pala ang suspek na tinutugis ng mga pulis.
Sa nakaraang panayam, labis ang hinanakit ng ina ni Jemboy sa nangyari sa kaniyang anak na sadya raw hindi binuhay ng mga pulis.
Inalis na sa puwesto ang mga pulis na sangkot sa naturang operasyon at sasampahan ng kaukulang kaso.--FRJ, GMA Integrated News