Timbog ang apat na foreigner sa Ternate, Cavite pagkatapos sirain at bastusin umano ang watawat ng Pilipinas, ayon sa ulat ni Luisito Santos ng Super Radyo dzBB netong Sabado.
Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., papunta ang mga suspek sa Puerto Azul ngunit naabutan sila ng matinding traffic.
Sa tindi ng kanila umanong pagkadismaya, hinatak ng mga dayuhan ang bandera ng Pilipinas na nakasabit sa flag pole sa Marine Base Gregorio Lim at pinagpupunit ito.
Nakita ng isang opisyal ng Philippine Marines ang pambabastos umano ng mga dayuhan sa watawat at iniulat ito sa Philippine National Police, dahilan para dakipin ang mga foreigner.
Ayon kay Acorda, may karampatang mabigat na parusa ang pambabastos sa watawat ng Pilipinas alinsunod sa batas.
Nakabilanggo na ang mga dayuhan na kinasuhan sa paglabag sa RA8491 o The Code of the National Flag. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News