Nagsimula lamang sa spark, tuluyang nagliyab ang isang flat na gulong at nilamon ng apoy ang isang umaandar na minivan sa Wisconsin, USA.

Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa dashcam video ng pulisya na kahit naglalagablab na ang gulong at kumakalat na ang apoy sa minivan na minamaneho ng 84-anyos na si Donald Schmelling, tuloy-tuloy lamang ito sa pag-andar.

Hanggang sa huminto rin ang sasakyan sa gilid ng highway, at agad tinulungan ng mga pulis ang driver.

Sa kabutihang palad, hindi pa nahaharangan noon ng apoy ang pintuan sa driver’s side.

Bago nito, nakasunod na ang pulisya sa sasakyan ni Schmelling nang mapansin nilang flat ang likurang gulong nito.

Pinahihinto na umano nila noon ang minivan pero hindi ito agad pumreno.

Sa isang panayam sa media sa Amerika, sinabi ni Schmelling na alam niyang pumutok ang kaniyang gulong, at naghahanap na siya ng lugar na ligtas na mahihintuan, pero nag-spark na ang gulong.

Nasunog nang bahagya ang jacket ni Schmelling pagkalabas niya sa nasusunog na sasakyan.

Minor burns lamang ang kaniyang tinamo, at nasa maayos ding kondisyon ang mga nagligtas sa kaniyang pulis. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News