Hindi ininda ng isang lalaki ang pagkaputol ng kaniyang binti para patuloy na magsumikap, at matagumpay ngayon bilang isang tindero ng lugaw na maraming customers sa Maynila.
Sa ulat ni Jaime Santos sa Saksi, sinabing 3 p.m. pa lamang, nagkukumpulan na sa Blumentritt Road corner España Blvd ang mga customer ni Gary Arado.
Punong-puno ng tuwalya, bulaklak at puso ang kaniyang malaking kaldero ng lugaw.
Nag-aalok din siya ng tokwa’t baboy combination o siomai at nilagang itlog, na murang mura pero mapapa-wow sa sarap.
“Natuwa kasi lumakas ‘yung lugawan ko. Noong nag-uumpisa pa lang ako rito mahina talaga, lalo pa pandemic… Nahirapan akong ilabas. Lumakas nang lumakas, minsan dito na ako natutulog sa motor ko,” sabi ni Arado.
Bago nito, naaksidente si Arado habang nagmamaneho noon para sa isang cargo company, at naputol ang kaniyang kaliwang binti.
“Panalangin lang po sa Panginoon na Siya na ang bahala sa akin. Diyos lang po ang nakakaalam sa akin, kung ano ang ibigay Niya sa akin tatanggapin ko,” sabi ni Arado.
Kumapit sa Diyos si Arado kahit pinanghinaan ng loob, at naging sandigan at inspirasyon niya ang kaniyang pamilya.
“[Nag-focus] na lang ako sa mga anak ko, hindi ko [iniisip] na mawalan ako ng pag-asa, na porke’t nawalan ako ng paa. Para sa anak ko na lang,” sabi ni Arado.
Kaya naman second year college na ang panganay niyang anak sa kursong criminology.
“Unang una po Panginoon lang ang gabay sa atin tsaka kailangan lang po talaga sumikap. Laban lang tayo, si Lord lang ang bahala sa atin,” sabi ni Arado. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News