Sugatan sa isang tama ng bala sa dibdib ang isang babaeng empleyado ng isang tanggapan na nagsisiyasat sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Ang biktima, inagawan din ng salarin ng bag na naganap kaninang umaga sa Quezon City.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, ipinakita ang kuha ng CCTV camera dakong 7 a.m. sa tapat ng isang bangko sa kanto ng Cordillera Street at Quezon Avenue.
Bumaba ang biktima, mula sa sinakyan niyang tricycle, habang tumigil sa harapan ng tricycle ang nag-iisang salarin na sakay ng motorsiklo.
Hindi pa nakakalayo ang biktima nang sundan na siya ng salarin at inagaw ang kaniyang bag. Sinundan ito ng isang putok ng baril na tumama sa dibdib ng biktima.
Kaagad na tumakas ang salarin, habang sinubukan pa ng biktima na lumakad pero napahiga na rin siya sa gilid ng bangketa.
Anggulong pagnanakaw ang paunang motibong nakikita ng pulisya pero hindi raw nila isinasantabi ang iba pang posibilidad dahil tila sadyang inabangan ng salarin ang biktima.
Tinitingnan din ng mga awtoridad kung may kinalaman ang pamamaril sa pagtatrabaho ng biktima sa isang independent agency na nag-iimbestiga ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Gayunman, sinabi ng QCPD na tagasampa lamang ng mga reklamo ang biktima, at wala sa kaniya ang desisyon ng pagsasampa ng reklamo sa mga sangkot sa katiwalian.
Patuloy na ginagamot at inoobserbahan ang biktima sa ospital.
Tumangging magbigay ng panayam ang mga nagpakilalang kaanak ng biktima. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News