Tinatayang nasa 100 na bahay ang tinupok ng apoy sa nangyaring sunog sa Parañaque City. Ang mga nakatira sa bahay na pinagmulan daw ng sunog, nakaligtas nang ginising sila ng aso. Pero ang nasabing aso, nasawi.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa “Balitanghali” nitong Lunes, sinabing sumiklab ang sunog sa Barangay San Dionisio bandang 3 a.m.

Naging pahirapan ang pag-apula sa sunog dahil gawa sa light materials ang mga bahay at eskinita lang ang daanan.

Kaya dumaan ang mga bumbero sa katabing sementeryo at inakyat nila ang mga nitso para makasampa sa mga bubong upang doon bumomba ng tubig.

Isang fire volunteer na kinilalang si Roel Cipriano, 37, ang nasugatan matapos na mahulog mula sa bubong. Isinugod siya sa ospital.

Nagbayanihan din ang mga residente upang tumulong sa pagpatay sa sunog.

Napaiyak na lang ang mga residente na nasunugan at nananawagan sila ng tulong sa lokal na pamahalaan ng Parañaque.

Walang naiulat na nawawala o nasugatan na residente maliban sa isang aso na siya umanong gumising sa mga nakatira sa bahay na pinagmulan ng sunog.

"Patay yung aso na... Actually yung aso talaga ang unang nakakita sa sunog, 'yon ang nanggising sa kanila kaya sila nakalabas. Lahat ng residente natin halos tulog eh," ayon kay SF02 Giovanni Corbez.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang kung ano ang pinagmulan ng apoy.

Pansamantalang nakatira sa gymnasium ang mga nasunugan. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News