Arestado sa entrapment operation sa Parañaque City ang isang Chinese national na nagre-recruit ng mga modelo para umano sa photoshoot pero ibubugaw pala at magla-live show. Ang suspek, nag-aalok daw ng P100,000 na ibabayad sa mabibiktima.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita ang ginawang pagsalakay ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isang condominium unit na tinutuluyan ng suspek.
Nasagip sa naturang operasyon ang dalawang babaeng bibiktimahin dapat ng suspek.
Ayon sa NCRPO, modus ng suspek ang mag-recruit sa Facebook ng mga modelo para sa umano'y photoshoot at P100,000 daw ang ibabayad.
Pero kapag nasa condominium unit na ng suspek ang biktimang babae, iba na ang ipapagawa nito.
“Akala lang po namin modeling. Pinipilit po kaming makipag-sex sa dalawang lalaki,” saad ng isang biktima.
Ayon kay NCRPO deputy director for operations Police Brigadier General Jack Wanky, naka-livestream sa labas ng bansa ang ipinapagawa ng suspek.
"Naka-livestream outside of the country specifically, China. Kapag tumanggi [ang babae] mayroon nang intimidation,” sabi pa ng opisyal.
Nahaharap sa Trafficking In Persons Act ang Chinese national na hindi na nagbigay ng pahayag.
Inaalam na rin kung may kinalaman ang suspek sa online sex syndicate na na-raid ng Parañaque Police noong Abril.
“Kung may mga previous victims ito, they can come out, makapagsampa tayo ng additional case sa suspek na ito,” ayon kay Wanky.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News