Puwede bang manganak ang isang babae ng 11 beses sa loob ng tatlong taon? Ito ang pabirong tanong ng isang opisyal ng Department of Education Taguig-Pateros Division (DepEd-TAPAT) matapos niyang isiwalat na mayroong isang guro ang nabigyan umano ng 11 maternity pay sa loob ng tatlong taon. Pero ang guro na nakalagay ang pangalan sa dokumento, sinabing wala siyang natanggap na pera at wala rin siyang anak.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras”, ipinakita ni Dr. Ellery Quintia, Chief Education Supervisor for Curriculum ng DepEd-TAPAT implementation division, ang mga dokumentong naglalaman umano ng maternity pay na natanggap ng isang guro sa Signal Village Elementary School sa Taguig City.
Nagpakita si Quintia ng mga kopya ng bank advise tungkol sa naibigay daw na benepisyo sa guro.
Sa mga dokumento naman na mula sa isang source sa Finance Department ng DepEd, makikita na ang release date ng pera ay nasa pagitan ng February 2016 hanggang August 2018.
Umaabot naman sa P497,000 ang maternity pay na naibigay umano sa guro.
“Advice po ito eh. Kapag pinirmahan na ang advice, ibig sabihin nadeposito na ito sa account ng mga taong nakalista rito,” paliwanag ni Quintia.
Ani Quintia, hindi lang isa ang dapat pagpaliwanagin sa kaduda-dudang maternity pay kung hindi lahat ng nakapirma at dinaanan ng mga papeles.
“Si teacher kasabwat rito kasi siya mismo pumirma dito eh. Pangalawa dadaan ang pag-file nito sa principal. Si principal pipirma ng advise to eh. Pagdating sa division office, nandiyan si personnel, nandiyan si admin officer, nandiyan si accountant, nandiyan si SDO chief, na pumipirma ng voucher namin, pagre-release ng pera. At siyempre ang aming abogado,” paliwanag niya.
Ang pangalan na nakasaad sa mga dokumento, itinanggi na may kinalaman siya sa naturang mga maternity pay.
“Blangko ako diyan, wala akong alam… na-shock ako niyan. Kaninang umaga ko lang po ‘yan nalaman. ‘Di ko alam kung ano reaction ko, pero sa totoo lang, nakakainis siyempre kasi nadamay ako,” saad ng guro.
Dagdag pa niya, hindi raw siya nagbuntis at wala siyang nakuhang maternity pay.
“Six year na po akong separated… as in wala akong anak… kahit records sa school, wala. Eh hindi nga ako nabuntis, wala nga po ako anak,” depensa pa niya.
Sinabi naman ni Alliance of Concerned Teachers secretary general Raymond Basilio, na dapat malaman kung sino ang nasa likod ng naturang kontrobersiya.
“Ang amin lang po siguro naming panawagan sa departamento ay sana hindi po ‘yung mga nasa baba ang tamaan. Kailangan natin alamin kung sino talaga ang nasa likod nito. Kaya kailangan po ng patas na imbestigasyon," hiling niya.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng panig ang mga nakapirma sa mga dokumento.
Habang ang DepEd-TAPAT, hinihintay naman ang utos ng Regional Office para imbestigahan ito.
“This particular issue will not go to oblivion, and we will do every legal means to resolve this issue,” saad ni DepEd TAPAT legal officer Atty. Brent Buliyat.
Sabi naman ng DepEd Southern District Office na may jurisdiction sa Signal Village Elementary School, paiimbestigahan na nila ang naturang usapin.
Tiniyak din ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, na paiimbestigahan niya ito at hihingi siya ng ulat kung mayroong mga ganitong pangyayari.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News