Naglunsad na ng imbestigasyon ang pamunuan ng Colegio San Agustin-Makati (CSA-Makati) ukol umano sa suntukan ng dalawang estudyante sa loob ng palikuran.
Sa ulat ni Oscar Oida sa “24 Oras”, sinabing kalat raw ngayon sa social media ang video ng dalawang estudyanteng nagsusuntukan.
Makikita rin sa video na tila nawalan ng malay ang isang estudyante pero tuloy pa rin ang pagsapak sa kanya.
Dito na umawat ang isa pang estudyante.
Sa isang post sa Twitter, sinabing sila umano'y mga Grade 9 students ng CSA-Makati.
Ayon sa legal counsel at spokesperson ng CSA-Makati na si Atty. Joseph Noel Estrada, nangyari raw ang suntukan nitong Lunes ng umaga sa isang palikuran ng paaralan.
“Nu’ng pumunta ‘yung mga guards, nakita nila ang dalawang estudyante na may mga injuries, they were brought to the school clinic. And soon after they discovered na hindi accident but it involved a fighting incident,” ani Estrada.
Sinabi ni Estrada na binigyan ang dalawang estudyante ng karampatang atensyong medikal.
Aniya pa, maingat daw na iniimbestigahan ang insidente dahil mga menor de edad ang mga sangkot.
“This is a discipline issue that involves violence and it is very serious and the school should stand up to it because the school does not condone violence and violent behavior,” saad pa ni Estrada.
Samantala, binaggit din ni Estrada na sampung estudyante ang iniimbestigahan kaugnay ng insidente.
Aniya pa, hindi muna sila pinapapasok para maiwasan ang karagdagang gulo at para magbigay daan sa imbestigasyon.
“We will address this incident with proper interventions upholding fairness and justice to everyone involved,” giit naman ng Rector ng CSA-Makati na si Fr. Dante Bendoy.
Samantala, sinabi naman ng Department of Education na ikinababahala nila ang naturang insidente.
Ayon kay DepEd spokesperson Atty. Michael Poa, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa paaralan pero ipauubaya na raw nila sa CSA-Makati ang imbestigasyon.
Dahil seryoso at hindi dapat ipag-kibit-balikat ang mga ganitong insidente, sinabi rin ni Poa na dapat isumbong agad sa kinauukulan.
“Kapag meron pong ganito, ang ating parents po ay pwedeng mag-report of course sa school head at school officials. Kung medyo sensitive at ilang silang mag-report sa school head, pwede naman po silang mag-report sa ating schools division office,” diin pa niya. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News