Sugatan at nabasag ang mga buto sa pisngi ng isang lalaking driver matapos siyang tamaan sa mukha ng tumalsik na kalsong kahoy na mula umano sa isang truck.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, mapapanood sa video ng biktimang si Englebert Paloma, ang pag-andar ng truck mula sa pagkakaparada.
Pagkaraan ng ilang saglit, tumalsik ang kalso at tumagos sa salamin ng sasakyan ni Paloma.
Tumama ang kahoy sa pisngi si Paloma, na sa lakas ng puwersa ay nawalan siya ng malay at bumangga sa isang puno.
Makikita pang tumulo ang dugo mula sa sugat sa kaniyang pisngi.
"Akala nila nabaril ako. Wala po akong paningin noong time na 'yun kaya nagdire-diretso 'yung sasakyan namin paandar sa puno," sabi ni Paloma.
Agad dinala sa ospital si Paloma, na kinailangang tahiin ang sugat sa pisngi.
Nabasag din ng tumalsik na kalso ang kaniyang cheek bones kaya kailanga siyang operahan.
Nanawagan si Paloma na tulungan siya sa gastusin sa operasyon ng may-ari ng truck, na hindi pa rin nakikilala hanggang ngayon. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News