Huli sa akto ng mga awtoridad ang isang 35-anyos na lalaki habang kasama niya sa loob ng kuwarto ng isang motel sa Quezon City ang 14-anyos na babae na nakilala niya sa online game.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Estelito Piolino.
Nasagip naman ang dalagita na isang Grade 9 student.
Ayon sa pulisya, ikinasa nila ang operasyon laban sa suspek makaraang magreklamo ang ina ng dalagita.
Lumitaw sa imbestigasyon na nitong nakaraang Agosto nang magkakilala ang biktima at ang suspek sa isang online game.
Sa pamamagitan ng Facebook massenger at Snapchat, nagpapakita umano si Piolino ng malalaswa nitong larawan sa dalagita.
Iniinganyo rin umano ng suspek ang biktima na gayahin ang kaniyang mga ipinapadala.
Pero nitong Setyembre, nadiskubre ng ina ng dalagita ang ginagawa ng suspek nang mapansin niya na nakikipag-chat ang kaniyang anak kahit dis-oras na ng gabi.
Nang siyasatin ng ina ang gadget ng anak, doon niya nakita ang palitan ng mensahe ng dalawa. Dito na rin kinausap ng ina ang kaniyang anak at umamin tungkol sa suspek.
Nitong Huwebes, nag-aya umano ang suspek sa biktima na manonood ng sine at doon na sila sinundan ng mga awtoridad.
Nang dalhin ng suspek ang biktima sa motel, inaresto na siya.
Aminado naman si Piolino sa ginawang pag-aya sa dalagita na pumasok sila sa motel at nagsisisi raw siya.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 7610, o anti-child abuse law, at anti- child pornography.
Pinayuhan naman ng pulisya ang publiko na magsilbing babala ang insidente lalo na sa mga magulang. Palagi umanong subaybayan ang mga anak sa paggamit ng social media at gadget para hindi maging biktima ng mga sexual preditor. --FRJ, GMA News