Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ang mga kumakalat na impormasyon na mayroong serial killer o grupo ng mga kriminal na nakasakay sa puting van sa likod ng mga insidente ng pandurukot at pagpatay ng ilang tao sa bansa.
Sa panayam sa Unang Balita, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na iba-iba ang mga suspek sa mga nagdaang insidente ng pandurukot at mayroon silang iba't ibang motibo.
"Kung titingnan natin 'yung circumstances dito sa mga nangyaring sunod-sunod na pagkaka-discover ng cadaver pati na nga ‘yung pagdukot at later on nakitang patay, wala po tayong nakikita na serial killer dito dahil iba-iba kasi 'yung involved dito at iba-iba ang motibo,” sabi ni Fajardo.
"Pati na rin ang kumakalat sa social media na sinasabi na meron isang white van na nandurukot, wala pa po tayong nare-record na ganyang insidente," dagdag pa niya.
Kabilang sa mga ulat na ikinabahala at ikinatakot ng publiko ang pandurukot sa isang 25-anyos na lalaki sa Taal, Batangas noong nakaraang linggo, na natagpuang patay sa Sariaya, Quezon ng sumunod na araw, ayon sa ulat ng Police Regional Office 4A.
Sa isang CCTV footage, makikita ang biktima na sumakay sa isang bus Martes ng 7:53 p.m. Habang nag-aabang sa gilid ng kalsada, ilang armadong mga suspek na sakay ng gray na SUV at gray na sedan ang dumukot sa kaniya.
Isa ring 34-anyos na lalaki ang dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Batangas, at higit dalawang linggo nang nawawala.
Ayon sa live-in girlfriend ng biktima, sakay sila ng motorsiklo para magsundo sa kabilang bayan, nang harangin sila ng mga armadong lalaki at dinukot ang biktima.
Sinabi ni Fajardo na inatasan na ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin ang mga field at regional director na palakasin ang seguridad sa kanilang nasasakupan, kabilang ang mga barangay at mall.
Nanawagan din si Fajardo sa publiko na agad ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang kaparehong insidente na kanilang nasaksihan para agad itong maimbestigahan.
"Asahan niyo po na hindi ito ipagwa-walang bahala ng PNP at gusto naming ma-preempt at ma-prevent itong mga ganitong insidente... Asahan niyo po na pipilitin at gagawin ang lahat ng PNP para ma-solve at madakip ang responsable dito sa mga ganitong insidente," saad niya. —Jamil Santos/LBG, GMA News