Isang babae ang patay habang walo ang kasalukuyang nagpapagaling na kabilang sa 16 na magkakapitbahay na nakaranas ng food poisoning umano dahil sa kinain nilang chicken mami sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing maging ang tindero ng chicken mami ay naospital, at kasama sa walong nagpapagaling sa Tondo Medical Center.
Ayon naman sa tindero, wala siyang alam kung paano nangyari ang food poisoning.
Bago nito, nakaranas ng pagsusuka, pagkahilo, panghihina at pananakit ng sikmura ang ilang magkakapitbahay sa Barangay 172 sa Gagalangin.
Makikita sa CCTV ng barangay na inaasikaso ng mga kamag-anak at kapitbahay ang isang bata na nahihilo, hanggang sa nagsuka na ito. Ilang saglit pa, nahilo na rin ang katabi niyang bata, na nanghina at tuluyang nawalan ng malay.
Sunod nito, nahilo rin ang isang babae.
Isa-isang isinakay ang mga biktima sa service ng barangay at isinugod sa ospital.
Kabilang sa 16 na isinugod sa ospital ang mga bata, senior citizen, at isang Person with Disability (PWD).
Ayon kay Kenneth Restar, kaanak ng 75-anyos na si Levita Manila, nakaranas ang lola ng panghihilo, paglila ng kamay, at pagsusuka.
Dinala sa Tondo General Hospital si Aling Levita, habang naiwan ang anak niyang si Josefina Manila, 45-anyos at PWD dahil sa intellectual disability nito.
"May nagmalasakit tumingin sa itaas nila. Nakita si ate na bumubula na ang bibig, dinala na po si ate dito (ospital)," sabi ni Restar.
Kalaunan, nasawi si Josefina.
Nakaranas din ng pagkahilo at pagsusuka ang ina ng nagbebenta ng chicken mami na si Aner Dela Vega.
Ayon kay Dela Vega, palaisipan kung bakit ito nangyari sa kanilang mga customer.
"Ayon sa kuwento ng anak ko, wala naman po siyang ibang halo dahil almost 20 years na siyang nagtitinda niyan, kaya lang, hindi totally araw-araw. Walang kakaibang ginawa," sabi ni Dela Vega.
Humihingi ng paumanhin ang pamilya nina Dela Vega sa mga nagkasakit, at sinabing hindi nila ginusto ang nangyari. Handa rin silang makipagtulungan sa mga awtoridad.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng kapulisan ang insidente, habang ibinigay na sa Tondo Medical Center ang sample ng chicken mami para masuri kung ito ang dahilan ng food poisoning.
Patuloy din ang barangay sa pagtulong sa mga biktima. —LBG, GMA News