Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos na "fake news" at walang katotohanan ang nagpapakalat na hindi makatatanggap ng pinansiyal na ayuda ang mga hindi pa bakunado ng COVID-19 vaccine sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

Inihayag ito ni Abalos sa isang pagtitipon sa Mandaluyong City nitong Huwebes, at binatikos ang nagpakalat ng naturang maling impormasyon kaya dumagsa ang mga tao sa iba't ibang vaccination sites sa Metro Manila.

“Ang sinabi po ba naman na kung wala kang bakuna ay wala kang matatanggap na ayuda. Nag-panic ang mga tao. Nagpuntahan ng umaga sa mga vaccination center. Nagkagulo,” ayon sa pinuno ng MMDA.

Batay sa natanggap na impormasyon ni Abalos, kabilang sa mga bakunahan na dinagsa ng mga tao ay ang Maynila, Masinag sa Antipolo City, at maging sa Las Piñas.

Sa pahayag, hiniling ng MMDA chairman sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang naturang pagpapakalat ng maling impormasyon.

“I am requesting your Bureau to initiate the investigation of the said fake news in order for those persons responsible therefore to be held accountable in causing unruliness at the vaccination sites and thereafter to file the necessary charges against them,” hiling ni Abalos.

Madaling araw pa lang nitong Huwebes, libu-libung tao na ang sumugod sa mga bakunahan sa Metro Manila para pumila.

Ipatutupad simula sa Biyernes, Agosto 6 ang ECQ na tatagal hanggang Agosto 20, para mapigilan ang pagsipa muli ng COVID-19.

Tatanggap ng P1,000 hanggang P4,000 ang bawat pamilyang maapektuhan ang trabaho o kabuhayan dahil sa ipatutupad na ECQ.—FRJ, GMA News