Matapang ang naging hamon ng hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City Police District (QCPD) na patunayan na nagkaroon ng "sell-bust" sa nangyaring barilan ng kani-kanilang tauhan sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong nakaraang linggo.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni PDEA Chief Wilkins Villanueva na magbibitiw siya sa kaniyang tungkulin kapag napatunayang nagsagawa ng "sell-bust" ang kaniyang mga tauhan.
Ang "sell-bust" ay pagbebenta ng droga ng tauhan ng pamahalaan na itinuturing ilegal na gawain. Kabaligtaran ito ng "buy-bust" kung saan nagpapanggap ang mga operatiba na bibili ng droga para mahuli ang suspek.
"Magpalabas kayo [pulis] ng ebidensiya ng CCTV na nagbenta ang PDEA [ng droga] at kayo ang bumili," giit ni Villanueva.
Sa isang ulat, sinabi ng isang source ng GMA News na bago ang barilan ay nakabili umano ang mga pulis ng isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6 milyon sa umano'y asset ng PDEA.
Ayon sa source, hawak umano ng mga pulis ang nabiling droga pero hindi malinaw kung nabawi nila ang mark money na ginamit na pambili ng droga.
Pero iginiit ng PDEA, hindi sila nagbenta ng droga at mayroon silang lehitimong buy-bust operation sa lugar.
Sa mga naunang ring ulat, sinasabing nasiraan ang isang sasakyan ng PDEA kaya napatigil sila sa parking lot na malapit sa isang mall.
Sa mga lumabas na kuha sa CCTV, makikitang nilapitan at binaril ng umano'y pulis ang kasamang asset ng PDEA na pinagmulan ng putukan.
Makikita rin sa CCTV na nagpakilala na ang mga nakasibilyang PDEA agents pero patuloy pa rin silang pinaputukan ng mga nakasibilyan ding pulis na sinasabing mayroon ding lehitimong buy-bust operation sa lugar.
Ayon kay Villanueva, ayaw na raw sana nilang magsalita pa tungkol sa insidente dahil nagsasagawa na ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation.
Tiwala naman si Villanueva na lalabas ang katotohanan sa isinasagawang imbestigasyon ng NBI, na dahan-dahan na rin lumilitaw.
Sinisikap naman ng GMA News na makuha ang panig ng pulisya sa naging hamon ni Villanueva.--FRJ, GMA News