Nabalot ng tensiyon ang pagdating ng mga pulis sa palikuran ng isang fastfood restaurant na pinagtaguan ng mga sibilyan na naipit sa engkuwentro ng Commonwealth Avenue sa Quezon City. Ang dahilan, may kasama silang isang armadong ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang ilang video clips na kuha mula sa loob ng fastfood ng ilang kostumer na naipit sa barilan ng mga operatiba ng pulis-Quezon City at PDEA agents noong Miyerkules ng gabi.
Sa video, makikita mula sa loob ng fastfood na may ilang tao sa labas na nakasibilyal na armado ng matataas na kalibre ng baril.
Nang tumindi pa ang putukan, nagtago ang mga tao sa loob ng palikuran kabilang ang isang babaeng PDEA agent at isang buntis.
Sa labis na takot, nagdasal na lang ang ilan sa kanila na ligtas silang makauwi.
Nang dumating ang mga nakaunipormeng pulis, nabalot nang tensiyon nang tutukan ng baril at sigawan nila ang mga sibilyan nang makita ang PDEA agent na may baril.
Nagpakilala naman ang ahente na tauhan siya ng PDEA at hindi "asset."
Kinuha ang baril ng PDEA agent at una siyang inilabas ng kuwarto.
Pero muling nagulantang ang sibilyan nang may madinig na naman silang nagsisigaw at may nagsabi pa na huwag siyang titingnan.
Humingi naman ng tubig ang buntis dahil sa matinding nerbiyos at pangambang duguin na siya.
Kinalaunan ay pasigaw na inutusan ng pulis ang mga sibilyan na lumabas na ng palikuran.
Dalawa sa hanay ng mga pulis at dalawa rin sa hanay ng PDEA ang nasawi sa naturang engkuwentro na sinasabing "misencounter" sa operasyon laban sa droga.--FRJ, GMA News