Patay ang isang batang lalaking dalawang taong gulang sa Quezon City nitong Biyernes nang makuryente matapos isaksak ang kutsara sa extension cord.
Ang biktima ay nakilalang si Jake Angara, na nag-birthday lamang nitong Pebrero 7, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.
Ayon sa ina ng bata na si Eloisa Acay Angara, humingi ng gatas ang anak kaya't ipinagtimpla niya ito.
Inilagay daw niya ang kutsara sa mataas na lagayan upang hindi maabot ng bata.
"Nu'ng time na bubuksan ko na 'yung ano, 'yung pintuan, may pumutok. Kinabahan ako, pero akala ko may nalaglag lang," ani Eloisa.
"Napasigaw ang asawa ko. Ang sabi niya, 'Bem, si Jake, na-ground!'" dagdag niya.
Naabot pala ni Jake ang kutsara at isinaksak ito sa extension cord.
Agad na isinugod nila ang bata sa ospital kung saan sinubukan siyang i-revive ngunit binawian din siya ng buhay.
"Sana hindi ko na lang siya iniwan. Sana hinawakan ko na lang siya. Sana inalagaan ko na lang siya sa baba," ani Eloisa.
Malambing, masunurin at matalino raw si Jake, kuwento ng kanyang mga kaanak.
Ayon naman kay Joe Zaldarriaga, spokesperson ng Meralco, delikado ang pag-insert ng ano mang bagay sa extension cord o power outlet.
"Maaari talagang maaksidente 'pag iyan ay kinalikot o mayroong object na baka na-insert o kaya iyong daliri inilagay mismo doon sa opening ng outlet," aniya.
"Kung maaari po siguro to make sure na safe po iyan, ilayo po natin 'yung ating mga anak na maliit doon sa access ng mga outlet," paalala ni Zaldarriaga.
Mabuti raw na iligpit agad ang extension cord matapos gamitin. Mayroon ding mga nabibiling safety device para takpan ang mga electric outlet.
"Make sure this is of high quality and consult an electrician before you do anything related to electrical safety in your homes," sabi ni Zaldarriaga.
Humihingi naman ng tulong pinansiyal ang mag-anak ni Jake para sa kanyang pagpapalibing. —KG, GMA News