Patay ang isang tatlong taong gulang na batang lalaki mula sa sunog na sumiklab sa isang compound sa Las Piñas City Lunes ng gabi. Bagama't hindi na nailigtas pa ang biktima, hinangaan naman ang isang sugatang bumbero na sumagip sa kapatid nito.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing sumiklab ang sunog sa Lopez Compound sa Barangay Daniel Fajardo, Tabon 1 ng nasabing lungsod ng 9 p.m.
Umabot pa ng kasingtaas ng dalawang palapag ang bumulabog na apoy at usok, samantalang balisa at hindi magkamayaw ang mga residente habang inililigtas ang kanilang mga kagamitan.
Pahirapan din sa pagresponde ang mga awtoridad sa kasikipan ng mga eskinita at hindi na rin nasunod ng mga tao ang physical distancing.
Tumagal ng kalahating oras ang pag-responde sa sunog hanggang sa makontrol at maapula ito.
"Ina-assess na natin kung ilang bahay at kung magkano. Ang masaklap sa atin ay mayroon tayong isang bata na casualty na three years old diyan po malapit sa pinagmulan ng apoy," ayon kay Fire Superintendent Arthur Sawate, City Fire Director ng Las Piñas.
"Umalis 'yung magulang, tapos 'yung lola nandu'n din tapos nagsi-CR 'yung lola. Pagbalik niya nakita niya malaki 'yung apoy," dagdag ni Sawate.
Ipinagluksa ni John Paul Edralin Escueta ang pagkamatay ng pamangkin niyang si Steven o "Buknoy" sa isa post sa social media.
Pinasalamatan naman ng tiyahin ni Buknoy ang volunteer firefighter na tumulong sa pagliligtas sa nakababata nitong kapatid na si Gabgab.
Kabayanihan kung maituturing ng pamilya ang pagsugod ng firefigter sa apoy kahit wala siyang safety gear para iligtas ang sanggol.
Nagpapagaling ang bumbero sa Las Piñas District Hospital dahil sa mga tinamong sugat.
Natupok din ng sunog ang dalawang bahay sa Sta. Cruz, Maynila.
Nagsimula ang sunog 8 a.m. ng Martes, na nirespondehan naman agad ng mga bumbero.
Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog at inaalam ang halaga ng pinsala. -Jamil Santos/NB, GMA News