Natupad ang pangarap ng isang lolong street vendor na magkaroon ng bisikleta kahit kulang ang perang pambili niya. Ang may-ari kasi ng bike shop na kaniyang pinuntahan sa Pasay City, hindi na siya pinagbayad.
Ayon sa CARBS Motor/Bicycle Parts, madalas na dumadaan sa kanilang tindahan ang 82-anyos na si Tatay Carlos na naglalakad papuntang Makati para magtinda ng kendi.
Simula noong Mayo 15, lagi raw nagtatanong ang matanda tungkol sa bisikleta na maaari niyang mabili. Isang mountain bike ang ibinebenta sa halagang P4,500 pero P2,000 lang daw ang kaniyang pera.
Nang malaman ito ng may-ari na si Fe Carandang, sinorpresa niya si Tatay Carlos nang minsan uli itong dumaan sa tindahan.
"Ngayong umaga dumaan ulit siya para tanungin kung pwede po niya bilhin ung bike ng P2,000, ngayong araw na ito hindi po siya nabigo. Nakuha niya po 'yung bike na gusto nya sa KAPALIT isang NGITI po lamang," saad sa post.
Sa video, makikita na nag-uusap sina Aling Fe at lolo Carlos habang nasa gitna nila ang bisikleta.
Maya-maya lang ay may iniabot na pera si lolo Carlos kay Aling Fe. Kinuha naman ito ni Aling Fe pero kinalaunan ay ibinalik din niya ang pera sa matanda.
Sa video, makikita ang pagkagulat ni lolo Carlos.
"Kunin mo na 'yan, regalo namin sa iyo," sabi ni Aling Fe.
Ikinatuwa naman ng netizens ang ginawa ni Aling Fe kay lolo Carlos.
Bagaman pinapayagan na ang ilan na magbalik sa kanilang hanapbuhay sa ilalim ng general community quarantine, nagiging mahirap naman ang pagbiyahe dahil limitado pa rin ang transportasyon kaya bisikleta ang ginagamit ng marami.--FRJ, GMA News