Timbog sa mga awtoridad ang isang barangay volunteer na ginagamit umano ang kaniyang frontliner ID upang makapagbenta ng iligal na droga sa lungsod ng Maynila.

Sa impormasyong ibinigay ni Police Captain Philipp Ines, tagapagsalita ng Manila Police District Station 4, kinilala ang suspek bilang si Hajib Cayandatu, 24, isang tricycle driver na residente ng Quiapo.

Naaresto siya ng mga awtoridad sa Barangay 445, Zone 44 sa Sampaloc nitong Martes.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad tungkol umano sa talamak na bentahan ng shabu sa Sampaloc.

Ginagamit umano ni Cayandatu ang kaniyang ID para malayang makapunta sa Sampaloc at magbenta ng iligal na droga, ayon sa pulisya.

Sa isinagawang operasyon, nakuha sa suspek ang walong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P272,000, isang black pouch, at buy-bust money na P500.

Sasampahan ang suspek ng kaso dahil umano sa paglabag ng Section 5 (Selling of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Art II ng Republic Act No. 9165.

Nasa kustodiya ng MPD Station 4 ngayon si Cayandatu. --KBK, GMA News