Natamaan ng ligaw na bala ang isang 14 anyos na binata sa Caloocan matapos daw aksidenteng napaputok ng kapitbahay ang baril, ayon sa ulat ng Balitanghali ng GMA News TV nitong Linggo.
Ayon sa imbestigasyon, naglilinis daw ng baril si John Renz Francisco sa ikalawang palapag ng kanilang bahay nang aksidente itong pumutok.
Tinamaan ng bala ang 14 anyos na nasa ikatlong palapag naman ng bahay. Agad siyang isinugod sa pagamutan.
Inaresto si Francisco na napagalamang dati nang may kaso na may kinalaman sa iligal na droga.
Wala pang pahayag ang suspek. — Joviland Rita/DVM, GMA News