Inihayag ni Bise Presidente Leni Robredo na dapat sabihin sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte nang direkta kung nais na siyang alisin bilang co-chair ng inter-agency committee on anti-illegal drugs (ICAD).

Ang pahayag ay ginawa ni Robredo isang araw matapos sabihin ni Duterte sa pulong balitaan na wala siyang tiwala sa pangalawang pangulo kaya hindi niya ito isasama sa pulong ng Gabinete.

"Eh dapat deretsuhin na lang ako. Deretso naman ako kausap. Kung ayaw niya ako dito in the first place, bakit ako in-appoint? Kung nagkamali siya sa pag-appoint sa akin, sabihin nya lang," sabi ni Robredo sa mga mamamahayag nitong Miyerkoles.

Gayunman, sinabi ng pangalawang pangulo na hindi siya basta umaalis sa trabaho gaano man ito kalaki o kaliit.

"Ako never ako umayaw sa trabaho kapag binigyan ako ng trabaho. Kahit gaano iyon kaliit, gagawin ko iyong aking lahat ng makakaya para gampanan ang trabahong binigay sa akin," ani Robredo.

“It is always worth working for something we believe in... Naniniwala ako na marami akong makoko-contribute sa kampanya laban sa ilegal na droga,” dagdag niya.

Ilang linggo pa lang ang nakalilipas nang italaga ni Duterte si Robredo sa ICAD matapos na punahin ng pangalawang pangulo ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Nitong Miyerkoles din, inihayag ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, na dapat repasuhin ang sistema sa pagtatalaga ng isang opisyal.

“'Yung unang-una, kaya nu'ng tao. Pinagkakatiwalaan mong gagawin ang trabaho at naniniwala kang gagawin niya nang tama ang trabaho,” sabi ni Aquino sa mga mamamahayag.

“Puwede ba 'yung itatalaga mo hindi mo pinagkakatiwalaan? Medyo magulo ‘ata,” dagdag ni dating pangulo na kapartido ni Robredo sa Liberal Party.

Pahayag ni Duterte nitong Martes ng gabi, marami umanong sinasabi si Robredo at hindi niya ito personal na kilala kaya hindi puwedeng pagkatiwalaan.

"Ang problema ko kay Robredo... Marami na siyang pinagsasabi. If that is the way her mouth behaves there can be no position for her," sabi ng Punong Ehekutibo.

"Ang problema dito, ganito. I cannot trust her not only because she is with the opposition. I do not trust her because I do not know her," dagdag niya.

Paniwala naman ni Senador Ping Lacson, na ang mga pahayag ni Duterte ay senyales na dapat nang iwan ni Robredo ang ICAD.

“Obviously, the President wants her out without firing her, meaning he is leaving up to her to take the initiative and tender her resignation,” saad ng senador.

Bukod dito, naniniwala rin si Lacson na hindi matatagumpay ang mga isusulong na programa ni Robredo sa kampanya laban sa ilegal na droga dahil sa sinabi ng pangulo tungkol sa tiwala.

“If the chief executive [Duterte] who is also the CIC (commander in chief) of all armed forces in the country has openly declared that he doesn't trust her [Robredo], what does she expect from all 20 member-agencies under the ICAD?” paliwanag ng mambabatas.-- FRJ, GMA News