Posibleng sinadya ang pagsunog sa Star City noong madaling araw ng Miyerkoles, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita ng GMA News, sinabi ni Pasay City Fire Marshall Supertintendent Paul Pili na isang kahina-hinalang Twitter post ang ipinakita sa kanila ng ballet dancer na si Lisa Macuja, asawa ng may-ari ng amusement park na si Fred Elizalde.

Nakalagay roon ang tila pagbabantang "Star City will die."

 

 

Nagtataka rin umano ang mga bumbero kung bakit tila sabay-sabay nagsimulang nasunog ang iba't ibang bahagi ng Star City.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na sa isang stockroom nag-umpisang sumiklab ang apoy.

Bukod sa arson, posible rin umanong problema sa kuryente ang sanhi ng sunog.

Dakong 6:55 ng umaga nitong Miyerkoles, under control na ang apoy at patuloy pa rin ang pag-apula ng mga bumbero.

Pansamantala munang isasara ang Star City sa loob ng isang taon, ayon sa pamunuan nito.

"We're targeting reopening about October next year. It's necessary because the importation of rides takes time and the set-up of the park also," ayon kay Atty. Rudolph Steve Juralbal, vice president for legal affairs ng Elizalde Group of Companies. —Dona Magsino/KG, GMA News