Patay ang isang barangay ex-o sa Parola compound sa Maynila matapos siyang barilin sa ulo habang nasa bahay ng isang salarin na muntik masagasaan ng trak habang tumatakas.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Dario Habal, 55-anyos.

Sumulpot daw ang salarin sa gilid ng bahay ni Habal at binaril sa ulo ang biktima.

"Nakita ko na nakahandusay diyan yung asawa ko, nakadapa siya. Dito sa ulo yung tama niya," ayon sa asawa ng ginang.

Ayon sa isang testigo, nakita niya ang suspek na kumaripas ng takbo hanggang sa makatakas.

Nahagip ng CCTV camera ang suspek na tumatakbo habang may hawak ng baril at muntik pang mabangga ng trak habang nagmamadaling makatawid sa kabilang kalsada.

Hindi raw kilala ng mga kaanak ng biktima ang suspek.

Hinala nila, may kinalaman sa trabaho ang pagpaslang sa biktima na istrikto raw sa paninita ng mga lumalabag sa lokal na ordinansa at pagpapahuli sa mga sangkot sa droga sa kanilang lugar.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.-- FRJ, GMA News