Timbog ang isang 22-anyos na binata sa Pasig City matapos umano niyang paulit-ulit na gahasain ang kaniyang menor de edad na pinsan.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Dobol B sa News TV, nahaharap sa kasong eight counts of rape ang suspek na inaresto mismo sa pinapasukan niyang vocational school.

Sa inisyal na impormasyong ibinigay ng arresting officer na si Police Officer 1 Joel Curiba, paulit-ulit raw na pinagsamantalahan ng suspek ang 12-anyos na biktima.

Nagbunga raw ang pananamantala ng suspek kaya nalaman ito ng pamilya ng biktima.

Patay na ang sanggol ng isilang ito ng biktima nitong Agosto.

Depensa naman ng suspek, hindi niya ginahasa ang biktima dahil pumayag daw ito na makipagtalik sa kaniya.

Nakakulong ngayon ang binata sa Pasig City Police Station. Hindi siya pinayagang magpiyansa ng korte.

Nasa kustodiya naman ng Department of Social Welfare and Development ang biktima. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News