Arestado ang isang lalaking gumagawa umano ng "cloned" credit cards sa Bonifacio Global City sa Taguig. Ang suspek, may mga kasabwat umanong empleyado sa mga establisimyento para makopya ang card.
Sa exclusive report ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, pinasok ng NBI-Cybercrime Division ang condo unit ng tinutugis na suspek na si Romeo Liwag.
Narekober doon ang iba't ibang equipment tulad ng printer, embosser, skimming device, at mga blangkong card, na ginagamit umano ni Liwag sa pamemeke ng mga credit card.
Ang ilang nakumpiskang blangkong card, may nakakabit pang EMV chips.
Nakuha rin sa kaniyang condo unit ang isang 9mm na baril at mga bala.
Ayon sa mga awtoridad, nakukuha ni Liwag ang mga credit card information sa tulong ng mga kasabwat niya sa ilang restaurant, tindahan, at gasolinahan.
Gamit ang maliliit na skimming device, palihim umanong isini-swipe ng mga kasabwat ni Liwag ang credit cards ng kanilang mga kliyente.
Ang mga cloned credit cards, ipinamimili umano ng mga mamahaling gamit para maibenta at mapagkakitaan.
"May mga kasabwat naman siya na who will be doing the buying, usually ang binibili nila diyan 'yung mga high-valued na items katulad ng bags and usually bumibili rin sila ng electronics--yung madaling i-dispose," paliwanag ni Atty. Vic Lorenzo, hepe ng NBI Cybercrime Division.
Ayon sa mga otoridad, taong 2011 pa raw sinimulan ng suspek ang naturang credit card scam.
Sinasagad daw ng suspek ang mga nagagayang credit cards na nauuwi sa daang milyong pisong lugi ng mga bangko sa Pilipinas.
Hinala ng NBI, may kasabwat din si Liwag sa loob ng mga bangko na nag-aabiso kaugnay sa credit card limit ng bawat card na kanyang nakukuha.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek.
Paalala ng NBI Cybercrime Division, "I-check ng mga card members 'yung mga billing statement nila. At the same time, dapat ang mga financial institution aware din kung ano ang mga new modus operandi para magkaroon sila ng mga... mag-deploy sila ng new security features.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News