Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang babae na nakatangay ng mga pera at gamit ng isang guro sa Malabon matapos magkunwaring mag-e-enrol ng anak. Ang babae, may iba pa palang nabiktima.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, nakuhanan sa CCTV camera ang salarin na naglalakad na sa kalye mula sa paaralan na may bitbit na bag kung saan nakalagay umano ang tinangay na laptop, pouch na may ATM at credit card, at P10,000 cash ng isang guro.

Sabi ng biktima, nagtanong ang babae tungkol sa pagpapa-enrol ng anak at nagsabi pang tutulong muna sa gawain sa paaralan.

Maayos umano ang bihis ng babae kaya hindi niya inakalang kawatan.

Nang i-post sa social media ng isa sa mga guro ang mukha ng suspek, natuklasan umano na nagawa na nito ang katulad na modus sa isa pang private school at sa isang simbahan.

Nananawagan ang awtoridad na kung may nakakakilala o may iba pang nabiktima ang suspek na makipag-ugnayan sa Police Community Precinct 5 ng Malabon. -- FRJ, GMA News