Lola at dalawang kasabwat nito, nahuli-cam na nagnakaw sa isang Korean store sa Tondo, Maynila nitong linggo ng gabi.
Kita pa sa video na lumapit ang lola sa isang babae na nakasandong puti na may dalang isang box ng mamahaling kape.
Maya-maya, ipinasok ng babae sa palda ng lola ang box na kinuha niya at sabay silang naglakad palabas.
Ayon sa kahera ng tindahan, hindi nila napansin ang pagnanakaw dahil abala sila ng kanyang kasama noon. Habang naka break time din ang kanilang security guard.
Sa pag-review sa CCTV ng may-ari ng tindahan, napansin niya na bukod sa dalawang suspek, may isa pa palang kasabwat sa krimen.
Nakita din sa CCTV ang isang lalaki na nagkakamada ng mga mamahaling kape sa kanyang bag at dali-dali rin lumabas ng tindahan.
Sa loob lang ng ilang minuto, natangay ng mga suspek ang nasa mahigit 8,000 pesos na halaga ng mga paninda.
Ayon sa kahera, hindi ito ang unang beses na nanakawan sila.
Pero, masuwerte umano at kahit papaano ay hindi sila pinapasok ng mga armadong grupo.
Ayon naman sa barangay officials, pinaiikutan nila sa mga tanod ang lugar pero dapat daw ay magdagdag pa ng tauhan ang mga may ari ng tindahan.
Sinusubukan pa namin makuha ang pahayag ng pulisya kaugnay sa paghahanap sa mga suspek. — BAP, GMA Integrated News