Nahuli-cam ang ginawang pagtalon at pagbagsak ng isang malaking balyena sa isang maliit na fishing boat sa karagatan ng New Hampshire, USA.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood na umangat mula sa dagat ang humpback whale at mistulang i-embow drop nito ang bangka na tinamaan ang hulihang bahagi.
Umangat ang unahan ng bangka hanggang sa tumagilid at tumaob. Nakatalon agad ang isang sakay ng bangka, habang naiwan naman sa loob ang isa pa.
Sa kabutihang-palad, ligtas na nasagip ang dalawa ng iba pang nangingisda sa lugar. Pero napinsala ang kanilang bangka na kinailangang hatakin pabalik sa pantalan.
"I just turned around and the whale's head was already coming down on top of the engine," sabi ni Greg Paquette, sakay ng fishing boat.
Nakita na umano ang balyela sa lugar isang linggo bago pa man ang insidente.
Palaisipan para sa marami ang insidente dahil sinasabi ng mga eksperto na hindi naman umaatake ng mga bangka ang mga humpback whale.
Itinuturing din silang maamo sa mga tao.
Ayon naman sa isang miyembro ng Blue Ocean Sociey for Marine Conservation, naghahanap ng makakain ang balyena.
"There have been a lot of menhaden, which is a type of small bait fish, in the river recently. So likely, it was coming into the river just looking for some food," sabi ni Dianna Schulte ng Blue Ocean Society for Marine Conservation. -- FRJ, GMA Integrated News