Halos sagasaan ng isang jeepney driver ang rider na sakay ng scooter na sumita sa kaniya dahil sa ginawang pagharang sa pedestrian lane para magsakay ng pasahero.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa JP Rizal sa hangganan ng Makati City at Taguig City noong hapon ng Sabado.

Ayon sa rider, mistulang ginawang terminal ng jeepney rider ang kanto at hinarangan ang pedestrian lane.

“Doon ko siya sinita sa kaniyang pagmamaneho at sinabihang, ‘Pagka may pedestrian lane, padaanin mo yung mga tao, lalo’t na kita mo na walang payong at maulan. Unahin mo muna sila, respeto na lang,’” anang rider. “Sabi sa akin nung driver, ‘Wag ka makialam, nagtatrabaho lang ako.”

“Pagkatapos nu'n, bumaba siya at hinamon pa ako na makipagsuntukan,” dagdag pa ng rider.

Sa CCTV footage, makikita na bumaba ang rider mula sa kaniyang scooter para komprontahin ang driver.

Pero umarangkada ang jeep na tinamaan ang scooter at halos mahagip na rin ang rider.

“Shocked po talaga ako, natakot po ako. Kasi jeep yung aararo sa akin. Natamaan nga yung kanang binti ko, masakit pa rin,” sabi ng rider.

Natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng driver na sumuko na rin kinalaunan.

Sinampahan siya ng reklamong attempted homicide at malicious mischief.

Ayon sa pamilya ng biktima, humingi ng patawad ang driver na nabigla lang umano sa kaniyang ginawa.

“Sabi niya nabigla lang daw siya sa pangyayari…Sising-sisi siya. Hindi niya ine-expect na hahantong sa ganun ang pangyayari na makukulong siya,” ani Cholo Bernabe, ama ng biktima.

Umaasa si Bernabe na maglalagay ng traffic enforcer ang mga nasa kinauukulan para paalisin ang mga pampasaherong jeep na ilegal na ginagawang terminal sa lugar.--FRJ, GMA Integrated News