Pinandidirihan, kinatatakutan, at peste ang tingin ng iba sa mga dagang-bahay na kulay itim. Pero para sa isang lalaki sa Cebu na ginawang pet ang dalawang daga na sina "Jenna" at "Johnrey," sila ang naging labasan niya ng hinaing sa buhay.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Klentoy Remulta, mula sa Manduae City, na tatlong buwan na ang nakararaan nang makita niya ang dalawang bubuwit na itinapon sa daan.

"Naawa ako, kinuha ko. Kinupkop ko para mabuhay sila," ayon kay Klentoy na isang dispatcher.

Ang P300 na kita ni Klentoy sa isang araw, hinahati niya para sa apat niyang anak, at sa dalawa niyang alagang daga.

Ngayon na malalaki na sina Jenna at Johnrey, ang takip ng electric fan ang ginawa niyang kulungan ng mga daga habang nag-iipon pa siya para makabili ng mas maayos na paglalagyan ng kaniyang mga alaga.

Kung marumi ang tingin ng marami sa mga dagang-bahay, ang mga alaga ni Klentoy, dalawang beses daw sa isang araw niya pinapaliguan, at may shampoo pa.

Hindi rin manginginain sa basurahan ang mga alaga ni Klentoy dahil ibinibili niya ito ng gatas at feeds.

Literal din daw na "mabait" sina Jenna at Johnrey dahil hindi raw naninira ng gamit ang dalawang daga.

Ayon kay Klentoy, naglalaro lang ang mga ito at nagtatago.

Sanay din ang dalawang daga na hawakan, halikan at sumampa sa balikat ni Klentoy.

Sa kaniyang mga daga raw nailalabas ni Klentoy ang kaniyang kalungkutan sa buhay. Hiwalay na sila ng kaniyang asawa, at nasa misis niya ang pangangalaga ng kanilang mga anak.

Nagpupunta naman daw sa kaniya ang mga bata para ibigay niya ang panggastos ng mga ito. Bukod doon, magkasunod din na pumanaw ang mga magulang ni Klentoy noong 2022 at 2023.

"Kinakausap ko yung mga daga paminsan-minsan para mawala yung mga problema ko. Namatay yung mga magulang ko, yung asawa ko nawala, naghiwalay kami. Kapag nagkuwento ako naiiyak ako, naiisip ko yung papa ko," emosyonal na sabi ni Klentoy.

Ang tanging hangad daw ni Klentoy para sa kaniyang mga alaga ay mabuhay ito nang maayos.

Ayon sa beterinaryo, bagaman hindi pangkaraniwan ang pag-aalaga ng mga dagang-bahay, hindi naman daw mahirap na gawin itong pet.

Pero ligtas nga bang gawing pet ang mga dagang-bahay? Ano nga ba ang mga dapat gawin kapag nag-alaga nito? Alamin sa video ang payo ng mga eksperto. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News