Itinuturing na pinakamalaking kidney stone sa buong mundo ang nakuha sa isang pasyente sa Colombo, Sri Lanka na mas malaki pa sa mismong kidney ng tao.
Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing may bigat na mahigit 800 gramo ang nakuhang kidney stone mula sa isang pasyente na retiradong sundalo.
Ang timbang nito, limang beses na mas mabigat umano kumpara sa average adult kidney ng lalaki.
Ang haba ng nakuhang kidney stone, umabot ng 5.26 inches na mas malaki rin sa average adult size na kidney.
Payo ng mga eksperto para maiwasan na magkaroon ng kidney stone, uminom ng maraming liquid.
Bagaman puwede ang tsaa at juice, mas makabubuti umano kung tubig ang iinumin na hindi bababa sa dalawang litro kada araw.
Iwasan din ang mga maaalat na pagkain. --FRJ, GMA Integrated News