Patay ang isang 36-anyos na lalaki matapos barilin sa Building 3 ng Barangay 128 sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng gabi.
Ang biktima, nag-aayos noon ng kanyang motorsiklo sa tapat ng bahay ng kanyang kaibigan nang mangyari ang insidente.
Hindi gaanong nahagip sa CCTV pero dalawang lalaki umano na lulan ng isang motorsiklo ang biglang huminto at binaril sa ulo ang biktima habang nakatalikod.
Ayon sa kinakasama ng biktima, sinubukan pa nilang isugod sa ospital ang lalaki pero hindi na siya umabot ng buhay.
Sa ikinasang follow-up operation ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), nahuli rin kinabukasan ang mga suspek sa bahagi ng Honorio Lopez Blvd.
Dito na napag-alaman na mga kaibigan pa pala ng biktima ang bumaril umano sa kanya.
Sa kuwento ng kinakasama ng biktima, kung minsan, nakikikain pa sa kanila ang mga suspek, kaya blangko siya sa motibo sa krimen.
Sa kabila nito, sinabi din niya na kilalang mga snatcher ang mga suspek.
Inamin din niya na dati nang nakulong ang biktima dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makipag-ugnayan sa barangay kung saan nangyari ang krimen pero sinabi nila na hindi nila kilala ang biktima dahil nangungupahan lang ito sa kanilang lugar.
Sa ngayon ay hawak na ng MPD ang mga suspek na nahaharap sa reklamong murder.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na mahingan ng pahayag ang mga suspek. —KG, GMA Integrated News