Isang kakaibang sasakyang panghimpapawid ang namataan sa ilang bayan sa Pangasinan at Baguio City kamakailan. Pero ilang netizens, may hinalang airship ito ng China para sa surveillance. Totoo kaya?
Sa video ng GMA News Feed, sinasabing isa sa mga nakakita sa naturang sasakyang panghimpapawid noong December 18 ang rider na si Mark, na nakatira sa bayan ng Natividad, Pangasinan.
Akala raw nila noong una, nilipad na lobo lang ito. Pero nagtaka sila nang tila hindi na ito umaalis sa puwesto kahit pa malakas ang hangin noong araw na iyon.
Nang i-zoom in niya ang kaniyang camera, tumambad ang kulay puti at tila kumikinang na sasakyang panghimpapawid.
Ayon sa Pangasinan Youth for Disaster Risk Reduction and Management, isang NGO na nakatutok sa public safety at Earth Sciences, namataan din ang kakaibang sasakyang panghimpapawid sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan.
Bukod sa Pangasinan, namataan din ang umano’y UFO sa may Loakan Airport sa Baguio City.
Wala pang kumpirmasyon sa mga awtoridad kung ano ang bagay na nakita sa himpapawid.
Pero may ilang netizens na nakapuna na kahugis ito ng 250 feet airship ng China, na tinatawag nilang ‘Yuanmeng’ na dinisenyo para sa surveillance.
Pinapalipad daw ito noong 2015 sa dalawang araw na testflight sa Mongolia pero walang anunsiyo ang China kung pinalipad itong muli ngayong 2022.
Gayunman, may ilang airship sila na na-test flight ngayong taon.
Isa riyan ang Jimu No. 1 na binuo ng Aerospace Information Research Institute of the Chinese Academy of Sciences para sa atmosphere observation.
Pinalipad ito noong May 2022 at nitong September naman nag-take off ang AS700 na kayang magsakay ng hanggang siyam na pasahero.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News