Nauwi sa aksidente ang selebrasyon ng kapistahan sa Dussehra, India nang bumagsak sa mga manonood ang isang malaking effigy na sinunog. Anim katao ang nagtamo ng mga paso sa kanilang katawan.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing bahagi ng selebrasyon ang pagsusunog ng mga naglalakihang effigy sa naturang lugar.

Maliban sa apoy, may tila firecrackers din na ginamit sa pagsunog sa effigy ni Ravana, na isang demon king sa Hindu mythology.

Nang matupok ang ikalawang effigy, nilapitan ng mga tao ang unang effigy na sinunog at tila may kinukuha sila mula sa mga baga.

Pero ilang saglit pa, biglang bumagsak sa mga tao ang frame ng effigy at nagkaroon ng mga pagsabog mula sa ikatlong effigy.

Dahan-dahan ding lumundo ang frame ng isa pang effigy saka dahan-dahang bumagsak.

Maliban sa anim na nagtamo ng mga paso sa katawan, walang napaulat na nagtamo ng matinding injuries, ayon sa pulisya.

Ipinagdiriwang ng mga taga-India ang Dussehra sa paggunita sa pagkakagapi ni Lord Rama kay Ravana, na simbolo ng pananaig ng kabutihan.

Kasama sa selebrasyon ang pagsusunog sa effigy ni Ravana at ng iba pang mythological figures na sina Kumbhkaran at Meghnath.--FRJ, GMA News