Iniimbestigahan na umano ng Department of Education ang pagbibigay ng isang guro ng bagsak na grado na puro "70" sa lahat ng aralin sa isang grade 5 student sa Cagayan de Oro City.
Sa video ng GMA News Feed, makikita na may mga bura ang report card ng estudyante, at puro 70 ang lahat ng kaniyang grade sa buong school year.
May mga bura din at puro "NO", o "Not Observed" ang nakalagay sa kabilang bahagi ng card tungkol sa partisipasyon ng mag-aaral sa klase.
Sa Core Values o mga katangiang taglay ng estudyante, puro "NO" rin ang nakalagay.
At sa listahan ng attendance, lumilitaw na tig-iisang araw lang ang ipinasok ng bata sa bawat buwan ng nakaraang school year.
Nakasaad sa remarks ng guro ang "retained," o uulit ang estudyante sa naturang grade level.
Ang tiyahin ng bata, nadismaya sa grado at hitsura ng report card na natagalan pa raw bago maibigay sa kanila.
Aminado naman ang tiyahin ng bata na hindi masyadong nagabayan sa distance learning ang bata dahil buntis ang ina nito.
Hinala nila, ang dahilan ng bagsak na mga marka ay ang kabiguan daw nilang makapagbigay ng isang galon ng pintura na gagamitin sa proyekto sa silid-aralan, bagay na itinanggi ng pamunuan ng eskuwelahan.
Ngunit bakit nga ba nagkaganun ang grado at report card ng estudyante? Panoorin ang buong ulat sa video. --FRJ, GMA News