Matagumpay na naikabit ng American surgeons ang puso ng baboy sa isang pasyenteng tao na ilang buwan nang nasa life support machine. Isang araw matapos ang operasyon sinabi ng pasyente na, "It was either die or do this transplant."
Sa ulat ng Agence France Presse, sinabing genetically modified ang baboy na pinagkunan ng puso at inilipat sa pasyente sa University of Maryland Medical School.
Isinagawa ang operasyon noong Biyernes, at naipakita sa kauna-unahang pagkakataon na maaaring magamit ang puso ng hayop, at hindi kaagad tatanggihan ng katawan ng tao.
Kinilala ang pasyente na si David Bennett, 57-anyos, na masusing binabantayan ang kalagayan matapos ang operasyon.
Ilang buwan na umanong bedridden at naka-life support machine si Bennet, at sinasabing hindi kuwalipikado sa human transplant.
"It was either die or do this transplant. I want to live. I know it's a shot in the dark, but it's my last choice," pahayag niya.
Nitong bagong taon inaprubahan ng Food and Drug Administration ang emergency authorization para sa naturang operasyon.
"This was a breakthrough surgery and brings us one step closer to solving the organ shortage crisis," ayon kay Bartley Griffith, na naglagay ng puso ng baboy sa pasyente.
"We are proceeding cautiously, but we are also optimistic that this first-in-the-world surgery will provide an important new option for patients in the future," patuloy niya.
Ang donor pig ay mula sa mga alaga na sumailalim sa genetic editing procedure para alisin ang gene na gumagawa ng partikular na sugar na magdudulot ng matinding immune response at dahilan para tanggihan ng katawan ng tao ang puso ng hayop.
Ang genetic editing ay isinagawa ng biotech firm Revivicor, na siya ring nagbigay ng donor pig na ginamit naman sa isa pang breakthrough kidney transplant sa isang brain dead patient sa New York noong nakaraang Oktubre.
Tinatayang 110,000 Americans ang naghihintay ng kanilang organ transplant. Pero mahigit 6,000 na pasyente ang namamatay bawat taon at hindi nahihintay pa ang kanilang operasyon, ayon sa datos.-- AFP/FRJ, GMA News