Bagaman patagong nakuhanan ng video ng mga pulis ang pag-aalok ng pera ng isang babae na inaresto nila dahil sa kasong illegal recruitment, todo-tanggi pa rin siya na sinuhulan niya ang mga awtoridad.
Sa video ng GMA News Feed, makikita si Marichu Odon habang nasa loob ng sasakyan at inalok ng P15,000 ang mga pulis na nagsilbi sa kaniyang arrest warrant sa Meycauayan, Bulacan.
Sa cellphone video na palihim na kinunan ng pulis, sinabi ni Odon na dapat ipangako ng mga pulis na "tutulungan" din siya.
Makikita naman sa isa pang video na nagbibilang ng pera si Odon sa loob ng presinto.
Ayon sa pulisya, inutusan umano ni Odon ang tiyuhin niya na kumuha ng pera at dinala sa presinto.
Kaya ang kasong illegal recruitment ni Odon, nadagdagan pa ng panunuhol.
Kasama ring inaresto ang kaniyang tiyuhin, na nagsabing napag-utusan lang siya na kumuha at magdala ng pera sa presinto.
Pero hindi raw niya alam kung saan iyon gagamitin.
Si Odon, itinanggi naman na sinuhulan niya ang mga pulis.
Itinanggi rin niya na illegal recruiter siya.
Dadalhin si Odon sa Antipolo kung saan nakasampa ang kasong illegal recruitment, habang mananatiling nakakulong sa Meycauayan ang kaniyang tiyuhin.--FRJ, GMA News