Nagtitiis mag-opisina sa palikuran ang ilang guro ng Math sa Bacoor, Cavite dahil sa kakulangan ng silid sa paaralan.

Ayon sa ulat ni Maki Pulido sa GMA "24 Oras" nitong Lunes, tinakpan na lang ng kurtina ang mga inidoro at ginawang patungan ng gamit ang mga lababo para may magamit na faculty room ang ilang guro sa Bacoor National High School.

"Takpan na lang 'yung toilet bowl ng kurtina para if ever na kumakain hindi namin nakikita," kwento ng gurong si Jacklyn Domino.

Sa dulo ng isang hallway naman napadpad ang ilang English teachers habang sa dating stockroom ng library na walang bintana napunta ang mga MAPEH teacher.

Nawalan daw ng faculty room ang mga guro matapos gawing mga classroom ang dati nilang mga silid para bigyang-daan ang single shift schedule ng paaralan simula ngayong taon.

Ipinatupad ang nasabing pagbabago para umano maagang makauwi ang lahat ng mga estudyante at guro.

Iniutos na ng kinauukulang school division superintendent ang paglipat ng mga naturang guro sa mas maluluwag na espasyo sa paaralan.

"Ibabalik ko sila dito sa puwedeng maluwag ang space. Makakakilos sila ng maalwan, maayos, 'di po ba? At ang CR magamit ng bata," ayon kay Anita Rom, principal ng Bacoor National High School. —Dona Magsino/NB/KG, GMA News