Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang 19-anyos na rider matapos na makabanggaan ng minamaneho niyang motorsiklo ang isang taxi sa Cagayan de Oro.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, lumitaw umano sa imbestigasyon ng mga awtoridad na lumiliko ang taxi para kumuha sana ng pasahero nang mangyari ang sakuna.

Sa pagliko ng taxi, dumating ang motorsiklo at bumangga sa gilid ng taxi, ayon kay Traffic Enforcement Unit (TEU) Investigator, Corporal Bryan Cuhit.

Sa tindi ng pinsalang tinamo ng mga sasakyan, may indikasyon umano na mabilis ang takbo ng motorsiklo.

Bagaman nakasuot ng helmet ang rider, nagtamo pa rin siya ng matinding mga sugat at bali sa katawan na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Idinetine ang taxi driver pero pinakawalan din kinalaunan matapos na magkaroon ng kasunduan sa pamilya ng biktima. -- FRJ, GMA Integrated News