Naging viral sa internet ang larawan ng isang lalaking nagtapos ng kolehiyo matapos niyang gawing toga ang mga naipon niyang tiket ng bus na kaniyang sinasakyan sa tuwing papasok sa paaralan.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, napag-alaman na anak ng isang overseas Filipino worker si Mark James Operiano Capulong, na nagtapos bilang magna cum laude sa kursong Economics sa University of Santo Tomas.

Sa loob ng apat na taon niyang pag-aaral, bumibiyahe si Capulong sakay ng bus mula sa kaniyang tirahan sa Laguna patungo sa España sa Maynila.

Bilang anak ng OFW, pinili raw ni Capulong na maging uwian ang kaniyang biyahe dahil hindi niya magawang iwan ang kaniyang ina at mga kapatid sa kanilang bahay.

Kahit mahirap ang araw-araw na pagbiyahe na inaabot minsan ng dalawang oras, tiniis daw niya ito para makapagtapos.

At dahil mahabang oras ang ginugugol sa biyahe, sa loob na rin daw ng bus siya nag-aaral.

Kung anu-ano na rin umano ang kaniyang naranasan sa kaniyang mga biyahe pero sulit naman ang lahat dahil nagbunga ang kaniyang pagsasakripisyo.-- FRJ, GMA News