Mistulang eksena sa pelikula na nadiskubre ng Commission on Human Rights (CHR)  ang isang selda sa Manila Police District Station 1 sa Tondo, Maynila na mistulang ginawang pinto ang nakaharang na kabinet.

Ginawa ng ilang tauhan ng CHR ang sorpresang pagpunta sa istasyon ng pulisya nitong Huwebes matapos silang makatanggap ng impormasyon na ilang tao ang may isang linggo nang nakadetine at hindi pinapalaya kahit walang isinasampang kaso.

Nang magtungo sa naturang police station ang CHR, nakarinig sila ng boses sa likod ng kabinet, at nang iusog ito, tumabad ang selda na kinalalagyan ng 11 katao— kabilang ang ilang babae, na sinasabing nadakip ng pulisya sa isang operasyon.

Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA News TV's "State of the Nation with Jessica Soho," sinabi ng CHR na batay sa salaysay ng mga "nasagip" na nakadetine, hinihingan umano ng P40,000 ang hanggang P200,000 ang mga ito kapalit ng kalayaan.

Nakaranas din umano ng pagpapahirap ang ilan sa kanila.

"HINDI SECRET CELL"

Iginiit naman ni Supt. Robert Domingo, station commander, na hindi sikretong selda ang nadiskubre ng CHR kahit pa natatakpan ito ng kabinet.

Paliwanag niya, "holding room" ang kinalalagyan ng mga nakadetine kung saan nagsasagawa rin umano ng pagpupulong ang mga tauhan ng kanilang anti-illegal drug unit.

"Yung sinasabi nilang tagong kulungan, hindi po yun tagong kulungan iyon. Holding area po iyon. Doon yung investigation room ng drug enforcement unit," paliwanag ni Domingo sa panayam ni Soho.

Ipinaliwanag din ng opisyal na inihiwalay daw niya ang mga nakadetine sa mga nakakulong sa "regular jail" dahil siksikan na ito at hindi pa nai-inquest o nakakasuhan ang mga nasa 'holding room."

Ginawa raw niya ito dahil kinasuhan umano noon ng CHR ang opisyal na kaniyang pinalitaw nang malaman na magkahalo sa selda ang mga nakasuhan na at hindi pa nakakasuhan.

"Kaya nung pumalit ako, binago ko yung ganoong sistema with my own initiative. Hindi ipapasok sa regular jail hangga't di pa napa-process o naiimbestigahan ang isang tao," aniya.

Itinanggi rin niya ang alegasyon na hinihingan nila ng pera ang mga nakadetine sa "secret cell."

"[It's] their words against our words. Alegasyon na lamang po nila 'yan, ma'am," ani Domingo.

Iginiit din ni Domingo na nitong Huwebes lang ng umaga nadakip ang mga nakadetine taliwas sa sumbong sa CHR na isang linggo na silang nakapiit.

Inihayag naman ni CHR spokesperson Jackie De Guia na patuloy nilang sisiyasatin ang insidente at kung nilabag ng mga pulis ang Republic Act 9745 o Anti-Torture Law of 2009.

"Malinaw kasi dun na mental o psychological torture ang pagmi-maintain ng secret detention places, at dapat naming siyasatin kung itong detention facility nga ay isang hayag na detention facility or yung sinasabi nating secret detention facility," ayon kay De Guia.

Gayunman, iginiit ni De Guia na hindi "regular" cell ang tingin niya sa nabistong piitan gaya ng sinasabi ni Domingo.

"Hindi po normal na itinatago ang detention facility sa likod ng mga kagamitan tulad ng bookshelf," aniya. — FRJ, GMA News