Pangarap na raw noon ng mag-asawang Trestan Brel at Rhea Gace Miras na makasali sila sa couple fun run. Kaya nang mabalitaan nila na magkakaroon nito sa kanilang lugar, kaagad silang nagpalista. Ngunit ilang araw bago ang fun run, may hindi inaasahan na nangyari kaya mag-isa na lang tumakbo ang mister at pinagawan niya ng standee ang asawa upang makasama pa rin niya sa pagtakbo. Ano nga ba ang nangyari kay Rhea Grace?

Sa ulat ng For You Page ng GMA Public Affairs, sinabi ni Trestan na may mga bumati, natuwa, nagtanong at "nakiramay" sa kaniya nang i-post niya ang video nang pagsali niya sa fun run habang bitbit ang standee ng kaniyang misis na si Rhea Grace.

Pangarap na raw talaga nilang mag-aasawa na makasali sa couple fun run. Kaya nang mabalitaan nila magkakaroon nito sa kanilang lugar, agad silang nagpalista, nagbayad, at kanilang pinaghandaan.

Ngunit ilang araw bago ang fun run, nakaranas ng mild stroke at dinala sa ospital ang ina ni Rhea Grace. 

Para maalagaan ang kaniyang mother-in-law sa ospital, nandoon sila palagi ng kaniyang asawa.

Hanggang sa magdesisyon na nang tuluyan si Rhea Grace na hindi na lang siya sasama sa pagtakbo. 

Ngunit dahil sayang naman ang ibinayad nila, si Trestan na lang lalahok sa fun run.

At upang kahit papaano ay makasama pa rin ni Trestan ang kaniyang misis sa pagtakbo, naisipan niya na magpagawa ng standee ni Rhea Grace.

Aprubado naman daw ni misis ang kaniyang naisip.

Dahil may mga nag-akalang pumanaw ang kaniyang misis kaya standee lang ang kasama niya sa fun run, nilinaw ni Trestan na buhay na buhay ang kaniyang maybahay.

May tatlong anak na sina Trestan at Rhea Grace na pawang mga lalaki. At umasa sila na sa tamang panahon ay matutuloy din ang pangarap nilang tumakbo na magkasama.

"Ang pagsali sa fun run, bonding na rin po sa mag-asawa. Mag-e-enjoy po kayo, healthy na rin po kasi exercise po ito sa ating katawan," ayon kay Trestan. --FRJ, GMA Integrated News